Thursday, June 30, 2005
isang pagbati
bahala na kung lalabas na ka-plastikan o sabihing "exaggerated" kasi hindi ko naman siya talaga nakikilala pa ng personal pero naisip ko, gusto ko siyang parangalan...
september 2004 nang ako ay natutong mag-blog. noong una, personal webpage ang pinakialaman ko pero ang hirap kasing i-maintain. at sa aking walang sawang pag iikot sa world wide web, nabasa ko ang blogging sa inq7.net at doon ko na din natunton ang blogspot. noong una, nag-aalangan pa akong mag-blog kasi pakiramdam ko, nahuhubaran ako ng unti-unti sa blog ko, madalang lang kasi ang gaya ko na nakakagawa pa ng ganito sa dami ng mga pinagkaka-abalahan namin. yung iba naman, iniisip nila na pag-aaksaya lang ito ng panahon. hindi din ako noon palaging nag-uupdate ng blog at alam kong hindi din ako magaling magsulat pero hindi naman masamang mangarap at sumubok di ba? gaya nga ng dati kong sinasabi, mas gumagaan ang pakiramdam ko kapag naisusulat ko ang mga nasa isip ko. minsan kasi may mga bagay na ang hirap sabihin kahit sa bestfriend mo o sa mga magulang mo. personal na diary ko lang talaga dapat ito pero dahil nga may mga pagkakataon na naisusulat ko ang mga saloobin ko tungkol sa mga bagay-bagay, naisip kong ibahagi na din ito sa aking mga kaibigan. pero nalungkot ako kasi mukhang hindi nila binabasa o kung basahin man nila, dead ma or in our terms, NR (no reaction). naisip ko noong tumigil na sa pagsusulat dito hanggang sa isang araw noong april, napadpad ako sa pinoyblogger.com at doon, tumalon-talon na ako sa iba't-ibang mga blogs. doon ko siya nakilala...
isa siyang pinay na guro sa ibang bansa, sumubok mamuhay dito sa pilipinas (at kahanga-hanga ang mga naging karanasan niya dito) pero piniling umalis para sa pamilya at doon, unti-unting nakikilala dahil sa kanyang kahusayan sa pagtuturo ng mga special children. noong una, sisilip-silip lamang ako sa kanyang blog, nabasa ko na din ang kanyang buong kwento, hanggang sa hindi na nakukumpleto ang araw ko kapag hindi ko siya nadadaanan. sa madaling salita, ako ay isang "lurker" lamang noon. minsan kasi, hindi mo alam kung ano ang reception na makukuha mo kaya nakakatakot sumali sa usapan saka parang isa na silang malaking pamilyang nagpapalitan ng mga kuro-kuro, pakiramdam ko, intruder ako. kaya lang, mukhang mabait siya kaya isang araw nagkalakas loob akong mag-iwan ng comment sa blog niya. hindi ako nabigo kasi mabait pala talaga siya. ipinadama niya sa akin na welcome ako at malayang makakapag-iwan ng mensahe sa blog niya. sa pagbabasa ng mga blogs niya, mas lumawak ang aking isip, nagkakaroon ako ng inspirasyon at nabubuhayan ng loob na sa kabila ng mga kasamaan at hindi magagandang nangyayari sa mundo at sa ating bansa, may mga tao pa palang katulad niya na good-hearted. dahil sa kanya na-engganyo akong muling mag-blog kasi nag-iiwan siya ng mga comments at sa kanyang mga comments katulad ng kanyang blog, napag-iisip niya ako. dahil sa kanya, mas nagising ako sa mga nangyayari sa paligid ko. dahil din sa kanya, may mga nakilala pa akong ibang espesyal na tao na nakakapagpatawa at tumutulong na magpalawak pa ng aking isipan. siya ang aking unang naging kaibigan sa blogsphere...
kaya sa kanyang kaarawan, nais ko siyang batiin...happy birthday, teachersol! God bless u!
Posted by nikki:: 6/30/2005 01:39:00 AM
|