Image hosting by PhotobucketImage hosting by PhotobucketImage hosting by PhotobucketImage hosting by Photobucket

 

 

 

                            


 
A work in progress

Saturday, September 03, 2005

Patricia Louise


Tricia, inside the nursery




Mahal kong Tricia,

Ang bilis ng araw! Parang kailan lang, inip na inip na kami sa pagdating mo. Wiling-wili kami ng Daddy at Mommy mo sa pamimili ng mga gamit mo. Napagalitan pa nga kami nina Mama Lola at Papa Lolo dahil sobrang dami daw ng mga binili namin. Pero alam mo, hanggang sabi lang nila yon kasi alam kong sila din natutuwa na makitang unti-unti nang naiipon ang mga gamit mo.

Noong araw na ipinanganak ka, pagod na kaming lahat kasi ang tagal bago ka lumabas pero noong nakita ka namin, sulit na sulit ang pagod namin. Ang ganda-ganda mo kasi! Nakahinga ako ng maluwag dahil isa kang perfect na baby. Saan ka ba naman nakakita ng baby na paglabas pa lang ay nakadilat na ang mga mata at nagreklamo na na para bang nagsasabing "inistorbo ninyo ako!". Sa nursery, naging paborito ka ng mga nurses kasi napaka-bait mong bata. Iiyak ka lamang kapag gutom ka o di kaya'y basa. Nakakolekta ka ng madaming tita sa dami ng dalaw mong mga nurse at doktor. Manghang-mangha sa iyo sina Daddy at Mommy, nagtatalo kung sino ang kamukha mo. Ang kulit nila ano? At hindi pa nila alam kung ano ang gagawin nila sa iyo. Natakot din kami kasi kinailangan mo pang bigyan ng antibiotic tatlong beses isang araw sa loob ng isang linggo dahil nagkaroon ka ng infection, ikaw din ay nanilaw dahil sa magka-away ang dugo ninyo ni Mommy pero dahil sa mahal ka namin, nagtiyaga kaming paarawan ka tuwing umaga at turukan ng antibiotic.

At ngayon, 10 days old ka na! Sa awa ng Diyos ay magaling na ang iyong infection . Ang dami mo na ding ipinagbago! Lumaki ka na at unti-unting tumataba. Kulang na kasi sa iyo ang 2 onsa ng gatas. Mabait ka pa din namang baby pero may mga kaunting kalokohan na din. Nung isang araw, niloko mo kami ni Mommy, pinapalitan ka na namin ng diaper tapos biglang umihi ka ulit. Maski sa pagtulog, madalas kang sumisimangot. Naiinis ka kapag hindi ka makatulog at gustong-gusto mo kapag pinapatulog ka na nakahiga sa dibdib namin.




Tricia, 10 days old




Sa iyong pagdating, nabago ang ikot ng mundo namin. Palagi na kaming nagmamadali ngayon na umuwi para makita ka at makarga. Kung dati ang madalas kong pinupuntahan ay sa Ladies Section ng mga malls, ngayon, mas nauuna ko nang puntahan ang Babies Section. Noong isang araw, hindi ko napigilan na ibili ang kinita ko sa klinik ng mga damit mo. Sabi nila, napaka-swerte mo daw. Tama sila kasi ang daming nagmamahal sa iyo. Pero alam mo, kinakabahan din ako kasi hindi ko alam kung anong mundo ang naghihintay sa iyo sa paglaki mo. Sana lang ma-protektahan ka namin sa kung ano man ang dumating sa iyong hindi maganda. Sana mapalaki ka namin ng may tiwala sa sarili, pagmamahal sa kapwa at higit sa lahat may takot sa Diyos.

Magpapakabait ka palagi. Huwag ka nang maghahanap ng kakampi sa kung saan-saan dahil nandito lang kami palagi sa tabi mo. Mahal na mahal ka namin!


Nagmamahal,

Mama Nikki






Posted by nikki:: 9/03/2005 08:48:00 PM
|

---------------oOo---------------