Saturday, August 13, 2005
What I am feeling right now: EXCITEMENT, ANTICIPATION, NERVOUSNESS
Ilang tulog na lang, makikita na namin ang pamangkin ko. Nasa 37th week na kasi ang sister-in-law ko sa kanyang pagbubuntis, kaya anytime now, maaari na siyang manganak. Inihanda na niya kanina ang gamit ng baby at pati na din gamit niya na dadalhin sa ospital kapag manganganak na siya baka kasi may makalimutan pa kung hindi pa aayusin ngayon. Sabi sa ultrasound niya, babae daw. Ngayon pa lang, nakikita ko nang magiging spoiled itong batang ito. Kasi naman, siya ang pinaka-una kong pamangkin at unang apo ng mga magulang ko. Hindi pa siya lumalabas, ang dami na niyang gamit! Mukha nga yatang nasobrahan kami ng bili ng mga damit, masyado kasi kaming natuwa sa mga maliliit at mga cute na t-shirts. Nung isang beses naman na napadaan ako ng mall, nakita ko yung Disney section, ang dami palang t-shirts, shorts, pajamas, bonnets, mittens at bibs na Winnie the Pooh! Kaya ayun, ang excited na tita, napabili na naman. Pinagalitan tuloy ako ng kapatid ko kasi nga naman, madaling malakihan ng mga baby ang kanilang mga damit kaya sayang lang. Ang dipensa ko naman, malalaking sizes ang kinuha ko para hindi malakihan agad.
Sa totoo lang, kinakabahan ako. Kahit pa sabihing sanay na sanay na ako sa mga bagong panganak na mga sanggol, iba pa din ang pakiramdam dahil pamangkin ko ito. Ang daming naglalaro sa aking isipan. Alam ko kasi na kahit pa regular ang check-up, kumpleto sa mga vitamins at walang naging problema sa pagbubuntis ang mommy, minsan nagkakaproblema pa din ang mga baby. Isama pa natin yung nabanggit ko na dati na "doctor syndrome". Palagay ko mawawala ang aking pagka-pediatrician sa baby girl namin. Baka paglabas niya, mataranta na lang ako at maging taga kuha na lamang ng mga litrato. Mabuti na lang at doon siya ipapanganak sa ospital kung saan ako nagsanay, sigurado kasing maaasahan ko yung mga doktor doon at alam kong hindi nila pababayaan ang pamangkin at sister-in-law ko.
Todo-todo ang pagdadasal namin na sana makaraos ng matiwasay sa kanyang panganganak ang asawa ng kapatid ko at sana malusog din ang sanggol na ipapanganak niya. Excited na talaga kami! Gusto nang makita ng kapatid ko kung sino ang kamukha niya, kung matangos ba ang kanyang ilong o kung maputi ba siya. Sabi ng tatay ko, tuturuan na niya agad ito ng Math para maging magaling daw siya dito paglaki niya (hindi ko namana ito sa tatay ko). Basta ako, makita ko lamang na may tig-sampung daliri ang kanyang paa't kamay, umiiyak siya ng malakas, mamula-mula ang kanyang balat, kakain at dudumi ng maayos at walang kahit na anong congenital anomaly, masayang-masaya na ako. Samahan ninyo akong magbantay ha?
Posted by nikki:: 8/13/2005 10:50:00 PM
|