Image hosting by PhotobucketImage hosting by PhotobucketImage hosting by PhotobucketImage hosting by Photobucket

 

 

 

                            


 
A work in progress

Saturday, July 30, 2005

Bata, Bata, saan ka papunta?


(Salamat kay Kaibigang ISABELA at na-stimulate na naman ang aking utak...)

Noong isang araw lang, habang naglalakad ako galing ng clinic, may nakasalubong akong limang bata, mukhang mga edad lima o anim na taon. Madudungis, yung isa walang saplot pambaba, pawang mga nakayapak at naghahabulan sa kahabaan ng isang mataong lugar sa Maynila. Sunod-sunod ang mga kotse, tricycle, pedicab at mga kalesang dumadaan. Naisip ko, ang lawak naman ng playground nila! Nasaan kaya ang mga magulang nila?

Natatakot ako sa pwedeng mangyari sa mga batang ito. Hindi ako magugulat kung isang araw, makita ko sila sa emergency room ng ospital, umiiyak dahil nabundol sila. Nalulungkot din ako para sa mga batang ito. Tama nga lang na sila ay maghabulan kasama ng mga kalaro, ngunit hindi tama na maglaro silang nanlilimahid sa kalye. Nalulungkot ako dahil alam kong ang maiiwang alaala ng kanilang kamusmusan ay ang alaalang ang kalye ang kanilang playground, ang mga taong nakakasalubong nila ay umiiwas dahil sa kadungisan nila, hindi sila naturuan kung paano magbilang at bumasa at hindi sila nakatikim ng pagkain sa Jollibee.

Hindi ko alam kung sino ang sisisihin sa puntong ito. Mabuti kung ang mga batang ito ay napapabayaan ng kanilang mga magulang dahil sila ay nasa kalye din at naglalako ng dyaryo o basahan o di kaya'y bumibyahe ng pedicab. Pero paano kung nasa bahay din lang sila, tulog at amoy alak? Sana hindi na lang sila nag-anak kung ganito din lang naman ang kahihinatnan ng mga batang ito. Sana kahit na nag-anak sila kung magsipag sila upang may maibigay sila sa mga pangangailangan ng mga anak nila. Sa isang banda, dapat ba ang gobyerno ang sisihin? Kung sana sa halip na mangurakot at bumili ng mga Pajero, Expidition o BMW ay nag-iisip na lamang sila ng mga programa upang mapabuti ang kalagayan ng bansa, mababawasan sana ang mga batang ganito.

Alam kong walang magagawa ang aking awa sa kanilang sitwasyon. Matulungan ko man sila sa aking munting paraan, hindi ko pa din sila kayang pakainin, bihisan at papag-aralin. Pero kaya kong mangarap, umasa at magdasal para sa kanila na balang araw, magbabago din ang lahat.



Posted by nikki:: 7/30/2005 01:02:00 AM
|

---------------oOo---------------