Monday, August 01, 2005
Pakiusap lang po
Medyo matagal na din akong nagblo-blog pero kamakailan lang ako naging active talaga. Madami na din akong nakilala dito sa blogsphere, mula na isang blogger, humaba na nang humaba ang mga nakasulat sa links ko. Nitong mga nakaraang buwan, natutunan ko kung ano yung internet troll mula kay TeacherSol, ang pagiging matimpiin nina Isabela at Patrice at ngayon naman ay ang galit ng aking bagong kaibigang si Nao.
Kahit pa sabihin nating kakaibang mundo nga ang blogging, papasok pa din dito yung pakikipag-kapwa tao natin, iba-iba kasing tao ang makakasalamuha mo dito. Merong mga tunay na tao at mga troll o kaya ay yung mga tao na natamaan ng mga bato ni Nao. Ako man, bagamat hindi ko pa nararanasan mismo, nasasaktan at naiinis din ako sa ibang mga nababasa ko sa aking pagdalaw sa iba't-ibang mga blogs. Minsan kasi sa ating pag-kokomento, di natin naiisip na mayabang na pala ang dating natin o di kaya'y nakakasakit na pala tayo ng damdamin. Hindi ko naman sinasabing huwag na lang mag-komento, sana lang igalang natin ang opinyon ng isa't-isa. Kung ang nabasa mo man ay salungat sa iyong paniniwala, malaya ka namang mag-komento pero sana isaalang-alang din naman natin yung damdamin ng may akda o kaya'y nang iba pang magbabasa. Huwag din nating kalimutan na kung may kalayaan tayong isulat ang ating mga komento, may kalayaan din ang may-ari ng mga blog na pinupuntahan natin na magsulat ng kahit na anong gusto nilang isulat. Kung ayaw mo yung mga nabasa mo, huwag ka na lang mag-komento o kaya'y huwag ka na lang bumalik sa blog na yoon.
Sa "real world", naging prinsipyo ko na ang "huwag ka na lamang magsalita kung wala ka din namang sasabihing maganda" para makaiwas sa hindi pagkaka-intindihan. Dito sa blogging world, yan na din ang ginagamit kong prinsipyo. Kung meron man akong hindi nagustuhan sa mga komento sa akin o kaya'y sa mga nabasa ko, tumatahimik na lang ako. Pero hindi naman sa lahat ng oras na hindi ako mag-komento ay ibig sabihin hindi ako sang-ayon, minsan wala lang talaga akong masabi.
Posted by nikki:: 8/01/2005 11:34:00 PM
|