Sunday, August 07, 2005
Tara na, shopping tayo!
Likas na yata sa halos lahat ng mga babae ang pagkahilig sa shopping. At isa ako sa mga iyon. Kapag nalulungkot ako, pumupunta lang ako sa aking friendly neighborhood mall at mag-iikot. Kahit na umuwi akong luhaan (dahil walang perang pambili ng kahit ano), okay lang sa akin. Masaya na akong makita yung mga bagong disenyo ng sapatos sa Celine o Le Donne, mga "in" na damit sa Mango, Bayo at Apple and Eve at mga sale o promo sa mga tindahan. Ang pag-shoshopping din ang paborito naming gawin ng mga kaibigan ko, kahit pa ang mabili lang namin ay isang munting palamuti sa buhok. Ngunit mahirap para sa amin na pagtugma-tugmain ang aming mga kalendaryo para kami ay makalabas ng sabay-sabay dahil magkaka-iba ang mga araw ng aming duty. Iyong mga kaibigan ko naman sa high school, may kanya-kanya ding mga trabaho at pamilya. Dahil dito, mas madalas na umaalis akong mag-isa.
Minsan maganda din namang mag-isa ka lang...
1. Ikaw lang ang mapapagod - baka kasi lahat ng sulok ng mall ay puntahan mo, kawawa naman yung mga kasama mo, pati sila magkaka-kalyo.
2. Makakapamili ka ng husto - hindi mo kasi kelangan magmadali kasi oras mo lang naman ang nasasayang.
3. Walang kokontra sa mga choices mo - kung lumabas man na baduy ang nabili mong damit, at least, ikaw lang ang masisisi.
4. Walang manggagatong sa iyo - madalas itong mangyari sa akin pero hindi ako ang ginagatungan, ako ang nanggagatong! may kaibigan kasi akong napakatagal mag-isip kung ano talaga ang gusto niya (read: kuripot! hehehehe!), minsan dahil sa panggagatong ko, napapabili tuloy siya.
5. Walang makikipag-agawan sa iyo - sa akin, hindi naman ito problema kasi mapagbigay naman ako kaya lang nakakapanghinayang kung gustong-gusto mo iyong isang sapatos tapos type din ng kaibigan mo at isang pares na lang ang size 6 nila.
6. Hindi ka maiinggit - dahil sa wakas ay napag-ipunan na ng kaibigan mo iyong gusto ninyong laptop at ikaw ay hindi pa.
7. Hindi ka maiinis - kasi ayaw makinig ng kaibigan mo sa iyo na mas maganda yung Canon IXUS 40 kesa sa gusto niyang digital camera. Hindi naman kasi dapat ito nangyayari kasi pera naman niya pinambibili niya kaya wala ka dapat pakialam.
8. Walang makakaalam na hindi umuubra ang pag-dadiet mo - hindi nila makikitang nagpakuha ka ng large sa saleslady kasi masikip na sa iyo yung medium.
9. Hindi ka manlilibre - dahil sa pinagod mo sila, dapat naman siguro manlibre ka pero kung mag-isa ka lang, sarili mo lang ang ililibre mo o di kaya naman, umuwi ka na lang at sa bahay kumain.
10. Hindi ka magiging dakilang driver - sa amin kasi, ako lang ang talagang laging may dalang sasakyan kaya minsan hindi maiiwasan yung lambinging kang ihatid mo sila pauwi. Salamat na lamang at mababait ang mga kaibigan ko, hindi nila ito madalas ginagawa.
Gusto ko pa din syempre yung may kasamang mag-ikot kasi bukod sa makakapag-shopping ka na, makakasagap ka pa ng mga tsismis. O ano, sino sasama sa akin mag-shopping?
Posted by nikki:: 8/07/2005 02:49:00 PM
|