Saturday, October 08, 2005
Belated happy birthday blog!
Nagdiwang ng anniversary ang blog ko noong September 27 pero dahil nga sa ako ay nagkasakit, lumipas lang yaong araw na yon.
Parang kailan lang nang una kong madiskubre ang mundo ng blogging. Nabasa ko lang siya sa website ng isang sikat na dyaryo. Dinalaw ko lang yung mga nakalagay doon na URL, nagbasa at natuwa kaya pagkatapos noon ay na-engganyo na akong subukin din ang blogging. Nakaka-adik pala talaga! Mahilig na talaga ako magsulat mula nang bata pa pero pang-personal lamang na babasahin ang mga iyon, kaya nga takot na takot akong mag-blog dati kasi pakiramdam ko parang isinisiwalat ko na sa buong mundo kung ano ang aking mga nasa isip at mga nararamdaman. Walang nakaka-alam na nagsusulat ako. Madami sa mga kaibigan ko ang nagulat na kaya ko palang magsulat noong mabasa nila itong blog ko. Hanggang ngayon, madalas pa din akong may agam-agam sa aking mga isinusulat, para kasing nahuhubaran ang aking pagkatao sa tuwing nagsusulat ako at inilalathala dito ang mga ito. Isa pa, madalas, ako mismo nasasagwaan sa aking mga akda. Sabi nga sa Ingles "we are one's worst critic" . Kaya nga nakakataba talaga ng puso kapag may mga taong dumadalaw at nagbabasa ng aking mga kwento dito. Lalo na kung nagugustuhan ninyo ang mga ito. Nakakatuwa kapag nakikita kong bumabalik kayo at nag-iiwan ng mga mensahe o di kaya'y mga komentaryo.
Ni hindi ko namalayan na may isang taon na pala akong nagsusulat dito. Ang daming nangyari sa akin dito mula nang una akong mag-blog. Dumami ang aking mga nakilala, ang iba, nagpaalam na dito sa mundo ng blogging. Madami na din akong naging mga kaibigan dito kaya naman parang hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ko sila nadadalaw. Ang dami ko din natutunan dito. Siguro ang ipinag-kaiba lamang ng blogosphere at ng totoong mundong ginagalawan natin ay ang mga taong itinuturing nating mga kaibigan ay nakikilala lamang natin sa kanilang mga obra. Hindi natin sila nakikita, hindi nakakasalamuha ng harapan ngunit kapag may problema, nagdadamayan. Akala ko dati, tahimik itong mundong pinasok ko, hindi pala. Minsan, natatangay ka ng malakas na agos at wala kang ibang maaasahan kundi ang sarili mo lang. At gaya ng buhay sa totoong mundo, ang mundo ng blogging ay punong-puno din ng choices. Kailangang mag-isip at manimbang. Kailangang marunong ka ng diplomasya upang maging matiwasay at tahimik ang iyong buhay. Natutunan ko din na dapat ihanda ang sarili sa mga disappointments kasi madami nun dito sa blogosphere. Adik na nga talaga ako dahil sa dami ng pinagdaanan ko dito, hindi ko pa din makuhang lisanin ang mundong ito.
Sa inyong lahat na dumadalaw at nagbabasa, maraming, maraming salamat! Sa mga tahimik namang sumisilip, maraming salamat din at sana dumating ang araw na iwanan nyo naman ako ng tag o di kaya'y komentaryo na napadaan kayo. Dahil sa inyo, nandito pa din ako. Sana sa susunod na taon nandyan pa din kayo kasama kong nagdidiwang. Pero sana hindi na belated ang selebrasyon.
God bless us all!
Posted by nikki:: 10/08/2005 01:25:00 PM
|